Prosang Tula

February 7th, 2009 by maynardmanansala

Nahahanap ko ulit ngayon ang inspirasyon sa pagsulat. Ito siguro ang kabutihan ng pag-aaral ng malikhaing pagsulat. Ibabahagi ko dito ang prosang tula na ginawa ko nu’ng nakaraang sem.

ENERO 9

Anong hipnosis ba ang angkin ng inukit na kahoy na itim, kinoronahan ng tinik, at sinuotan ng telang sintingkad ng talulot ng rosas ang pula? Bibitawan ng tsuper ang manibela; ilalapag ng karpintero ang maso; hindi magpapakalango ang tambay para makilangoy sa alikabok ng taong lumuluhog sa kanya, na binibigyan ng paradang higit na engrande sa sinumang alamat ng pinilakang tabing, boksingerong kampeon, o binibining kinoronahan sa patimpalak. Maidampi lang ang bimpo sa kanyang paa ay makapagpapahid na ng milagro sakatawang pinagpugaran ng hika, rayuma, at mga sakit na tinalikuran na ng ekspertong doktor. Sapat na sa kanilang matapakan, magitgit, at mabalya, kahit na hindi man lang nabakli ang isang tangkay ng kanyang koronang tinik.

BAWI

May 15th, 2006 by maynardmanansala

Ito na ang sinasabi ko noong ningas-kugon na blogging. Pero maniwala kayo, higit pa sa katamaran, ang kawalan ng kompyuter ang dahilan ng matagal kong pagkawala. Para namang may nakaramdam. Hahaha! Tapos na rin ang kontrata ko sa STI, kaya ibig sabihin lang, bihira na rin ang mga libreng oras ng pagne-net. Maliban kung dumadalaw sa dadalawang kaibigan ko roon. Ano na nga ba ang nangyari sa buhay ko?

Kung panunundan ang mga naunang entry ko sa pagsagot sa tanong na ito, hindi naman talagang ganoon ka-eventful. Nanood ng send-off tour ng Southborder noong Marso. Reggae naman noong Abril. Pinalad akong makasama sa unang writeshop ng FEU sa Baguio, habang na-reject sa IYAS ng DLSU sa ikalawang pagkakataon. Nakakuha rin ng lakas ng loob na sumali sa PALANCA sa unang pagkakataon. At, kasama sa maraming umaasang magwagi.

Ito rin ang panahon ng paghahanap ng trabaho. Ng kolehiyong tatanggap sa mga gurong tulad kong walang masteral. Hindi ko alam kung bakit ko nga ba isinisiksik ang sarili ko sa propesyon, o mas tama sigurong sabihing bokasyon na ito. Kahit na laging sinasabi ng kapatid kong hindi pagtuturo ang mundong dapat kong puntahan kung gusto kong magsulat. Nagtatalo sa isip ko ang dalawang bagay: nagtuturo ba ako dahil handa nga akong akuin ang dakilang hamon nito, o nagtuturo dahil wala nang ibang maaaring gawin? Kasabay nito, napaiisip din ako kung talagang dakila nga ba ang pagtuturo, o nagsisimula na rin itong maging elitistang propesyon? Kaya hindi sapat ang kagustuhan lamang, dapat din na may masteral degree? Maaari ring pinagbubuti lang ng mga institusyon ang kahingian sa isang guro upang bihisan pa ito ng dangal at kredibilidad. Isang napakahabang diskurso nito. Gayunman, sinisikap kong masimulan na ang aking masteral sa ikalawang semestre ng taong ito.

May mga personal na bagay ring nangyari sa akin. Mas personal pa sa paghahanap ng trabaho. Pero mas maganda siguro na personal ko na lang na ikukuwento sa iyo. Sana ay mahanap natin ang panahon.

Chuck, salamat pala sa pakikibalita tungkol sa blogging ko, at kung bakit natigil na ito.

LIVE AIDS

March 7th, 2006 by maynardmanansala

Estudyante pa ‘ko, naririnig ko na ang LIVE AIDS ng UP SAMASKOM (Samahan ng mga Mag-aaral sa Komunikasyon). Sa klase papasok ang ilang miyembro ng organisasyon para i-promote ang kanilang taunang palabas. Natatandaan ko pa ang bulong sa ‘kin ng isang kaklase, "Puro angas lang ‘yang  mass com students." Napangiti na lamang ako.

Nakakatuwa na kung kailan ako wala na sa UP, saka pa nakapanood ng LIVE AIDS. Sa taong ito, ginawa nila ang palabas noong Linggo, Marso 5, sa SM North Edsa, Cinema 5. Sa bungad ng palabas, nagkomento pa ‘ko na "That’s Entertainment ba ‘to?" habang pinanonood ang performers na kumakanta’t sumasayaw sa kanilang makukulay na kostyum. Sa impresyon ko, wala itong ipinag-iba sa stand-up comedy sa laffline o punchline. Pero sa pagitan ng kanilang pagpapatawa, madarama rin ang talas ng kanilang komentaryo. Halimbawa, sa imaging o projection nina Rachelle Ann Go at Erik Santos na lalo lamang nagpapalabas sa kanilang katawa-tawa. Sa ka-jolog-an ni Sarah Geronimo. Mayroon ding parodiya o panunudyo sa reality show na Pinoy Big Brother, kung saan gumawa ng scenario na magkakasama sa bahay sina FVR, Tita Cory at Susan Roces. Impersonasyon sa ilang pelikula gaya ng "Memoirs of a Geisha."

Sabi ng hindi na "virgin watchers," wala raw sinabi ang LIVE AIDS ngayon kumpara sa mga nagdaang taon. Pero kuntento naman ako sa aking napanood. Hindi na lamang ako ngingiti kapag may nagsabing puro angas lang ang mass com students.

Gabing MYMP

March 2nd, 2006 by maynardmanansala

Nanood ako ng show ng MYMP sa Ratsky, Tomas Morato kagabi. Hindi naman talaga ako fan ng grupo, pero aaminin kong nakikanta rin ako ng "Tell Me Where It Hurts" noon habang naghihilod ng katawan sa paliligo." Nagpadala sa lungkot ng "Friend of Mine" habang nag-e-emote sa aking kama. At nakiindak sa "Get Me" kapag nais aliwin ang aking kaibigan. May ilang kaibigang nakaalam. Actually, estudyante. Ang sabi, "jologs!" Pero nagpunta ako bilang pagsuporta dahil proyekto ito ng kapatid ko sa kanyang Conxepts Manila. Alas-nuwebe ng gabi, naro’n na ‘ko. Pero isa’t kalahating oras ang front act ng tatlong loud na bading. Naaliw ako nu’ng inawit nila ang "Ain’t No Mountain HIgh Enough." Astig din, dahil kahit cross dresser, lalaking-lalaki nang awitin nila ang "High." Nang nag-aayos na ng gitara si Chin, gusto ko siyang lapitan para tanungin, "kailangan mo ng tulong?" Saksakan nang tagal niyang magtimpla ng gitara. Pero nang magpakita na si Juris at kumanta, napawi ang aking pagkayamot. Pero sabi ko rin sa sarili, parang pareho rin pala kung sa personal o sa telebisyon mo sila mapanonood o mapakikinggan. Umuwi naman akong masaya. Ang masasabi ko lang, masarap makinig ng love songs kung katabi mo ang isang taong espesyal sa ‘yo. Dahil parang sa ‘yo at sa kanya ang kanta kahit ang dami-dami niyong nakikinig dito.

Siyanga pala manood kayo dahil mag-o-organize ng South Border show ang kapatid ko. Suportahan natin ha, parang ako na rin ang sinuportahan niyo. Salamat.

Mga Huling Napanood

February 27th, 2006 by maynardmanansala

May temang gay ang pelikula at dulang huli kong napanood.

Napanood ko nu’ng Biyernes ang "Brokeback Mountain." Mahigit sa dalawang oras ang pelikula ngunit wala ni isang segundo ng kabagutan. Hindi ako pinabitiw ng katahimikan nito upang tumuklas ng mga tanda ng ugnayan at magbakas ng mga impit na damdamin sa mga tauhan.

Talinghaga ng pag-iibigan nina Ennis Del Mar (Heath Ledger) at Jack Frost (Jake Gyllenhaal) ang Brokeback Mountain; isang paraiso, ngunit tahimik at mailap.

May binaryang oposisyon na relasyon ang dalawang karakter. Si Ennis ang lalaking matipid sa pananalita. Nang makatanggap siya ng postcard mula kay Jack matapos ang apat na taong di pagkikita, "you bet" lang ang ibinalik niyang sagot. Pigil din ang kanyang damdamin. Nang una silang magkawalay ni Jack, pinakawalan lang niya ang lungkot noong makaalis na ito, doon sa isang eskinita siya umiyak. Maiintindihan ang ganito niyang disposisyon sa karanasan niya noong bata pa siya. Dinala silang magkapatid ng ama sa isang batuhan kung saan nakahandusay ang bangkay ng lalaking nakisama sa kapwa lalaki.

Ekspresibo naman si Jack. Siya ang gumising sa kamalayan ni Ennis isang madaling-araw na may namagitan sa kanila. Sa dibdib niya laging nakahilig si Ennis. At sa kanya rin nagmula ang ideya na magsama na sila.

Nakuha ang aking atensiyon ng linyang "if you can’t fix it you gotta stand it" at "I wish I knew how to quit you." Para sa akin, ito ang mga linyang nagpapahayag ng matinding pag-ibig sa isang gipit na sitwasyon. Nakaaantig ang eksena kung saan niyayakap ni Ennis ang jacket ni Jack. Muli, kamatayan ang nagbukas sa isang tauhan upang maipahayag ang nadarama.

Nakaugnay ako kay Jack, ngunit natinag ako kay Ennis. Sa kabuuan, ipinapakita ng kuwento nina Ennis at Jack na makapagkukubli lamang ng labis ang sombrero, jacket, masikip na maong at boots. Ngunit walang kulturang makapaglalambong sa damdamin ng isang tao saan mang lunan o anumang panahon.

Samantala selebrasyon naman ng kabaklaan ang dulang napanood ko nu’ng Linggo, ang "Zsa Zsa Zaturnnah."

Si Ada ang pangunahing tauhan sa dula. Isang istiryotipikal na bakla, isang baklang parlorista. Ngunit mamahalin mo siya. Una, dahil tinitingnan niya ng may dangal ang kanyang ginagawa. Sabi nga niya, "gumagawa ng himala sa mga bagay na likas nang pangit." Pangalawa, hindi siya ang bakla sa paningin ng marami. Nagkakagusto siya sa lalaking maskulado ngunit hindi siya ‘yong tinatawag sa salitang balbal na balahura. Isang dahilan marahil kung bakit napalapit lalo sa kanya si Dodong, ang lalaki sa kanyang mga pangarap.

Isang gabi, habang naliligo, may batong nahulog kay Ada. Sa udyok ng kaibigang si Didi, natuklas nila na may kapangyarihan ang bato. Nagiging super hero siya kapag isinubo niya ito. Siya ay nagiging si Zsa Zsa Zaturnnah. Ginapi niya ang higanteng palakang dumating sa kanilang bayan, ang mga multo sa sementeryo at si Queen Femena Baru.

Ilang bagay ang nagustuhan ko sa dula. Una, ‘yong komprontasyon ni Ada at ng kanyang patay na ama sa sementeryo. Nagustuhan ko ang metapora ng multo upang ipakita ang malamig na pagtingin ng ama sa baklang anak. Sabi nga sa awit ni Ada, "Hindi ko alam kung bakit ngayon pa ‘ko umasa, gayong kahit noong siya’y buhay pa, malamig na ang puso niya."

Ikalawa, nagustuhan ko rin ‘yong metapora ng pagiging literal na baboy ni Queen Femena. Paano, sa galit ni Queen Femena sa mga lalaki, hindi niya namalayang siya mismo ay nagiging macho na rin.

"Isang babae pala ang ating tagapagligtas." Ito ang nasambit ng taong bayan. Ngunit ang babaeng kanilang tinutukoy ay walang iba kundi si Ada. Ito mismo ang ipinagdiriwang ng dula. Bagamat mapahanggang ngayon, isang palaisipan o maaaring masamang biro pa rin sa lipunan ang kabaklaan; higit sa kapangyarihan may taglay na matatag na kalooban ang bakla na maaaring maasahan sa kagipitan.

Maaaring sabihing ambisyoso ang pagwawakas ng dula. Sapagkat nagkatuluyan sina Ada at Dodong. Ngunit maaaring binabaklas lamang nito ang mga hangganan ng sekswalidad.  Tulad ng awit ni Didi, "nakikita ko na ang nakasisilaw na liwanag kung saan ang pag-ibig ay walang pangalan."

Close to You

February 21st, 2006 by maynardmanansala

"Brokeback Mountain" sana ang gusto kong panoorin noong Linggo, pero napanood na ng mga pinsan ko, saka, kailangan rin siguro namin ng feel good movie. Kaya napunta kami sa "Close to You." Magaan lang at may puso.

Kuwento ng pagkakaibigan nina Marian (Bea Alonzo) at Manuel (John Lloyd Cruz). Kumportable sila masyado sa isa’t isa. Meron silang tawagan, "Bru" para kay Marian at "Palits" para kay Manuel. Malaya rin nilang napagtatawanan ang kapintasan ng isa’t isa, tulad ng pagiging malusog ni Marian na makikita sa kanyang braso at ang patay na kuko sa paa ni Manuel. Nagsusuportahan sila sa anumang larangan o tunguhing puntahan ng kaibigan. Laging ipinauunawa ni Marian kay Manuel ang talento ng kaibigan sa potograpiya. Sinasamahan naman ni Manuel si Marian kahit saan ito magpunta, kasama na rito ang paghahanap nila kay Lance (Sam Milby).

Ka-eskuwela ni Marian si Lance noong grade one. Ipinagtanggol siya nito nang minsang tuksuhin ng mga kaklase. Ibinigay niya kay Marian ang isang kuwintas na pinanghawakan ni Marian sa mahabang panahong nawala si Lance. Hanggang malaman na lamang ni Marian na lead vocalist si Lance ng tanyag na bandang Orion. Gayon na lamang ang kanyang pananabik nang mabalitaang pupunta sa Pilipinas ang banda. Dito na umusad ang kuwento, sa paghahabol nila ni Manuel kay Lance.

Ilang bagay ang nagustuhan ko sa pelikula. Una, ang linyang "’Yon nga ang masakit, hindi kita matiis" na sinabi ni Manuel kay Marian. May isang eksena kung saan pinanghinaan na ng loob si Marian dahil hindi nila inabutan si Lance sa press con nito sa Davao. Sinisi niya si Manuel. Eksakto namang lumabas ng elevator ang banda. Makikita sa mukha ang pagkalito ni Manuel, ituturo ba niya o hindi? Ngunit nanaig pa rin ang pagmamahal sa kaibigan. Ipinapakita lang na may kahalong sakit ang pagmamahal. Bagaman gusto nating mapasaatin ang isang taong minamahal, mahalaga pa rin sa atin ang kaligayahan nito.

Gusto ko rin ‘yong eksena ng exhibit ni Manuel. Ipinakita roon ang magagandang shots niya kay Marian. Sa buong panahong magkasama sila, lagi niya itong tinutuksong biik, o kaya ay litson. Ngunit kamera niya ang tanging saksi sa kung gaano kaganda sa pananaw niya ang kaibigan.

At panghuli, maganda ang balintuna sa kuwento. Una, inakala nilang kilala na nila ang isa’t isa, ngunit hindi nadama ni Marian na iniibig pala siya ni Manuel ng higit pa sa isang kaibigan. Nagpapakita lang na, minsan, dahil sa pamilyaridad sa isang tao ay may mga bagay tayong nalalampasan na importante pala sa ugnayan natin sa taong iyon.

Pangalawa, ‘yong ideya ng paghahabol ni Marian kay Lance. Metapora sila ng paghahabol ng tao sa pag-ibig. Madalas hinahabol natin ang pag-ibig gayong katabi na natin ito.

Si Gee-Gee at Si Waterina/ Welcome to Intelstar

February 17th, 2006 by maynardmanansala

Kung di abala ang kapatid ko sa events na kanyang ino-organisa tulad ng show ng MYMP sa a-uno ng Marso, bahagi sana siya ng "Baraha," dulang itatanghal ng Artistang Artlets (AA), samahang panteatro ng Unibersidad ng Santo Tomas sa anibersaryo nito. Huli ko siyang napanood sa "Batang Pro" ni Bienvenido Norriega, Jr.

Isa na naman sanang pagkakataon para makapanood ng dula. Mas maganda pa dahil kapatid ko ang gaganap.

Huli akong nanood ng dula noong Enero 28. Dalawang dula sa isang matinee show. ‘Yong isa "Si Gee-Gee at Si Waterina," parodiya ng karakter nina Justos at Markova. Hindi ko masyadong nagustuhan ang dula dahil kabilang pa rin ito sa tradisyon ng "baklang talunan" o baklang naggigiit sa kanyang pagkabakla. Matapos maisapelikula ang kanyang buhay, nabalisa  si Waterina sa kung anong kabuluhan ang mahihita ng tao sa kuwento ng kanyang buhay. Isang baklang nagahasa noong okupasyon ng Hapon. Matapos makuha ang tseke bilang kabayaran, nasambit niya, "ito na pala ang katumbas ng kuwento ng buhay ko…"

Para sa akin kasi, matagal nang dapat nakaigpaw ang mga bakla sa usapin ng identidad. Tulad ng sinabi ng manunulat na si Butch Dalisay at ng iba pang manunulat, hindi na lamang mga ganitong usapin ang dapat na kinasasangkutan nila.

Mas naaangkop pa sa panahon ang dulang "Welcome to Intelstar." Monologo ito ni Ma’am Chelsea na nagdadala sa manonood sa mundo ng call center. Nakatulong na hiningi ng dula ang partisipasyon ng manonood, halimbawa kung may salitang Ingles na ipinabibigkas si Ma’am Chelsea. Tapos itatama niya ang pagbibigkas. Ipinapakita sa dula kung paano nahuhubdan ng kaakuhan ang mga ahente ng call center sa Pilipinas.

Una, kinakailangan ng pangalang tunog Amerikano. Kung Esteban ang pangalan, gawing Steve. Pangalawa, kailangan na sa pagsasalita hindi mahalatang Asyano ka. Kaya dapat na matutuhan ang American accent. Sa dula, may ipinakitang tsart kung paano bibigkasin ang ilang parirala. Halimbawa binibigkas mo ang "did you eat?" bilang "jeweet?" Tawa nang tawa ang manonood habang binabasa ito. Nakakatawa ngunit nanunudyo na ang mismong proseso ng pakikisangkot ng manonood. Nagpapakita rin kung gaano tayo ka-desperado magtunog Amerikano. Ikatlo, dahil magkaiba ng oras ang Pilipinas at Amerika, sumusunod tayo sa oras nila. Kung tumawag ang isang Amerikano ng 12:00 pm, alas-onse ng gabi ‘yon dito. Dahil 12:00 pm pa lang sa kanila, kahit na antok na antok ka na, kailangan hindi ‘yon mahalata sa boses mo. Ikaapat, dapat na magalang ka. Kahit minumura ka na, hihingi ka pa rin ng paumanhin. Sabi nga ni Ma’am Chelsea, "Words are just words." At panghuli, kailangang kabisahin mo ang mapa ng Amerika kasama ang abrebiyasyon ng mga estado. Kakabisahin mo ang mapa ng isang dayuhang bansa kahit hindi mo pa alam kung ilang rehiyon mayroon sa bansa mo.

Matimpi ang dula. Akala mo, isang simpleng oryentasyon lang sa trabaho. Pero nang i-dismiss ni Ma’am Chelsea ang lahat, du’n nadama ang bigat nito. Umupo siya. Nag-alis ng sapatos. Naghilot ng batok. Uminom ng gin na isinalin sa coffee mug. Narito ang hirit niya:

"’Tang inang trabaho ‘to! Madaling-araw na Ingles pa rin ako nang Ingles. Nangangawit na ang panga ko, letse!" Dilim.

Para sa akin isang pribilehiyong makapanood ng dula. Hindi lamang ito pagtatanghal ng mga talento. Sinasabing dinadala tayo ng dula sa isang nilikhang mundo. Ngunit ang totoo, dinadala tayo ng dula sa totoong mundo.

Aabangan ko naman ang Pebrero 28. Manonood kami ng mga pinsan ko ng "Zsa Zsa Zaturnah." Sana makapanood din kayo.

My Brother My Executioner

February 15th, 2006 by maynardmanansala

Kinukulit ako ng mga estudyante ko kung sino ang date ko nu’ng Valentine’s Day. Sa akin naman, tama nang sagot ang isang matamis ng ngiti.

Gusto ko ring maalala ang araw na ‘yon kung kailan natapos kong basahin, matapos ang mala-teleseryeng pagsubaybay, ang nobela ng Pambansang Alagad ng Sining na si F. Sionel Jose na "My Brother, My Executioner" na kabilang sa kanyang Rosales novels.

Sistema ng mga representasyon ng imahinaryong relasyon/ugnayan ng indibidwal sa tunay niyang kalagayan. Ito ang depinisyon ng guro kong si Dr. Teresita Maceda sa ideolohiya. Sa ganang akin naman, kung sinasabing "blood is thicker than water," sasabihin kong ideology may be thicker than blood. Batay ang aking pahayag sa nobelang aking nabasa. Magkapatid sa ina sina Luis at Victor. Premyadong manunulat si Luis sa kanyang panahon, samantalang kumander ng Huk si Victor. Nagmumula ang tunggalain sa mga lupain na pag-aari ng ama ni Luis na ayon kay Victor ay dapat mapunta sa mamamayan. Nauunawaan ni Luis ang saloobin ng kapatid, ngunit hindi niya mahanap ang inisyatibong ipagkaloob ang kahilingan nito. Para sa kanya, hindi lang gano’n kasimple ang lahat. Kinakailangan ng mamamayan ng isang taong may higit na kaalaman upang turuan at tulungan silang pamahalaan ang mga lupaing iyon. Di naman nagkakalayo ang pananaw ng magkapatid sa lipunan, ngunit nagkakaiba ang dalawa sa paraang nasa teorya si Luis at nasa praktika naman si Victor. Sa bandang huli, hindi napagtagpo ng magkapatid ang kanilang mga kagustuhan.

Bukod sa mga diwang politikal, nagustuhan ko rin ang nobela sa mga temang personal nito. Halimbawa, isang malaking palaisipan ni Luis ang pagmamahal ng amang si Don Vicente sa kanya at sa kanyang ina. Tuwing may pagkakataong mag-usap silang mag-ama, laging nagsasalpukan ang kanilang mga pananaw. Ngunit nang pumanaw ang kanyang ama may natuklas siya sa tore ng kanilang bahay. Noon, sinasabing sa tore raw ikinulong ni Don Vicente ang nabaliw nitong asawa. Ngunit nang buksan ito ni Luis kasama ang asawang si Trining, nakita niyang doon pala maingat na inihalayhay ang kanyang mga tula, magasing pinamatnugutan at iba pang naisulat. Hindi pala nangangahulugang dahil hindi nagtutugma ang kanilang mga pananaw ay hindi na ito pinahahalagahan ng ama. Kamatayan pala ang susi upang malaman niya ang pagpapahalagang iniukol sa kanya ng ama.

Nagustuhan ko ‘yong ugali ng tauhang si Luis na pagsulat sa isang minamahal ngunit hindi naman ipinababasa.Kumbaga, nagiging outlet, o therapy niya ang pagsulat. Na katumbas naman ng pag-iingat ng kanyang ama sa kanyang mga nailimbag na sulatin. Naiisip ko lang kung gaano karami sigurong mag-ama o mag-ina ang nagmamahalan ngunit bilanggo ng siphayo.

May ilang dayalogo sa nobela na nagpaisip sa akin. Una ang sinabi ni Don Vicente sa anak na si Luis:

"Truth-that which you seek, which I cannot give you-is how we look at things, what we believe. Do not talk about injustice or wrongdoings. There is always an element of injustice in this world and many wrongs are committed in the jungle. We all live in a kind of bondage until we die. This, too, is truth and it is ugly, so we do not call it that."

Pangalawa, ‘yong sinabi ni Dantes (pabliser) kay Luis:

"They will be there because they are stupid and they are stupid because they are poor. They are here because they are lazy, they have no capital, no incentives, no imagination, and no will to work…"

Ngunit isa sa saloobin ng nobela na mahalaga ay ‘yong indesisyon, ito  man ay personal o politikal. Mahalaga ang paggawa ng kagyat na pagpapasya bago pa mawala ang pagkakataong gawin ang nararapat gawin.

SIMULA

February 15th, 2006 by maynardmanansala

Meron naman talaga akong blog. Pero mas personal ang mga nakalagay doon, mas pribado. Kaya iilang kaibigan lang ang nakababasa. ‘Yong mga matagal nang kakilala. E, para saan ang isa pang blog gaya nito gano’ng ‘yong isa nga lang ay kay hirap nang mag-update? Pangit mang aminin, dala ang lahat ng inggit. Lalo na sa tuwing pagbubukas ko ng e-mail naroon ang mensaheng nagsasabing "***** has updated his friendster blog." Ayokong maging tagabasa na lang; gusto kong mabasa na rin ako, sa pagkakataong ito, ng mas maraming kakilala at kaibigan. Ito na ang simula ng pagtatala… ng pagbabahagi ng sarili. Dito niyo mababasa ang araw-araw kong buhay, mga sentimyento, pananaw sa isang libro o pelikula, o kahit anong bagay lang. Ikaw, na halos hindi ko na makita dahil pito lang ang araw sa isang linngo, o sa ‘yo na nakilala ko kahit hindi tayo nagkita ng personal, dito na muna tayo magtagpo. Dito tayo magsimula, o muling magsimula. Kaya gaya ng pambungad doon sa isa kong blog, welcome kayong lahat!